Lathalain

Marapat Maimpluwensiya

Ni Shierrah Rosales

Kuha ni HL

Sa pagbuka pa lamang ng kanyang bibig, isang propesyunal na katauhang may natatagong magandang adhikain ang umusbong, nang magsimulang magsalita ang isang nakasuot ng unipormeng nagpapakilala ng kanyang pagkakilanlan, at may marka ng mga ngiting nagtatakip sa mga problemang kanyang nasasalamuha.

“Aral muna, ‘wag ipagpalit ang hinaharap na kinabukasan sa sandaling sarap.”

Ang mga salitang ito ang nagbigay katangian sa isang kasapi ng Komisyon sa Populasyonna nagngangalang Ginoong Reyan Arinto na nagkiisa sa mga estudyanteng mamamahayag sa ginanap na Area School Press Conference sa Tanauan, Leyte. Sa kalagitnaan ng isinasagawang Press Conference, hindi mapigilan ni Ginoong Reyan na isiwalat ang kalunus-lunos na kinakaharap ng mga kabataan sa kasalukuyang panahon, kaya naman nang siya’y magkaroon ng pagkakataong magsalita sa mga kabataang mamamahayag kanyang bigyang-diin ang patuloy na lumalagong isyu ng Pilipinas na Teenage Pregnancy o ang pagbubuntis sa murang edad upang magbigay kamalayan hindi lamang sa mga ordinaryong kabataan kundi kabilang na rin ang mga kabataang naglalahad ng impormasyon.

 Sa temang “ Empowering Communities Through Campus Journalism”, naisambitla niya ang estado ng ating bansa sa naturang isyu, na ani niya’y isang aspetong nakakapekto sa mga mamamahayag ang mga impormasyong kanilang nakakalap sa mga medya kaya’t isang malaking gampanin ng mga mamamahayag ang dapat na maitanim sa kanilang mga isipan na isalang-alang din naman ang kapakanan ng mga kabataang nagsisisunod sa yapak ng medyang nakapagpapaimpluwensiya.

Sa kaisipang ito, kung ating didili-dilihin, ating matatanaw ang kagandahan ng kaniyang adbokasiya na nagsusulong ng kaayusan para sa lahat. Maipagtatanto na hindi lamang mga mamamayahag ang makapagsisiwalat at makakapagpaimpluwensiya sa iba ng isang mga impormasyong magpapamulat sa ating mga mata, kundi nagsisimula at namumukadkad ito sa mga taong may malasakit sa kanyang mga kapwa.